Isa na yata sa mga paboritong ipangako ng mga kandidato sa tuwing eleksyon ay ang pagbibigay ng magandang edukasyon para sa lahat. Libre pa nga sana kung nararapat dahil ito daw ang sagot sa kahirapan; ito daw ang susi sa ating pag-unlad.
Nang magtanong naman sa Facebook ang isang naging kandidato kung “Ano ang iyong bibigyang prayoridad kung sakaling ikaw ang maging Presidente?” Sagot ng karamihan ay edukasyon pa din dahil dito umano tayo parating nagkukulang.
Nakakatuwang isipin na halos pare-pareho tayo ng iniisip at pinapahalagahan subalit hindi natin nakikita na maaaring ang inaasahan nating magtataguyod nitong ating gintong layunin ay siya mismong walang sapat na edukasyon para ito ay maisakatuparan.
Ano ang aking pinatutunguhan? Simple lang. Paano mabibigyang halaga ng pamahalaan ang edukasyon kung ni hindi nga ito ginagawang mahigpit na batayan para sa pagpili ng mga magiging pinuno ng ating bansa?
Ang itinatakda lamang ng ating Saligang Batas sa usaping ito ay dapat na maalam bumasa at sumulat ang isang Pilipino upang maging kandidato sa isang posisyon sa gobyerno. Hindi mahalaga kung siya ay nakatapos ng pag-aaral, lalo pa kung ano dapat ang kanyang pinag-aralan. Ang katwiran dito ay dapat pantay-pantay ang karapatan ng lahat na maglayong magsilbing tagapamahala ng bayan.
Subalit hindi ba mas higit na mahalaga sa pang-indibidwal na karapatang ito ang pagbibigay proteksyon sa interes ng lahat, at ng bansa sa kabuuan, sa pamamagitan ng pagtatakda ng mataas na pamantayan sa kwalipikasyon ng sinumang nagnanais na maging pinuno ng sambayanan?
Kung ang mensahero o sekretarya sa isang simpleng opisina ay kinakailangang nakapagtapos man lamang ng high school, bakit hindi ito kinakailangan para sa isang mas mahalagang posisyon bilang halal na opisyal ng gobyerno?
Paano natin itatanim sa isipan ng ating mga anak ang kahalagahan ng edukasyon kung ang ating mga kagawad, kapitan, konsehal, mayor, gobernador, kongresista, senador, o maging presidente ay hindi nakapagtapos ng kanilang pag-aaral o walang sapat na kaalaman?
Hindi ba’t isang malaking kalokohan ang ituring na susi sa tagumpay ang isang bagay na hindi naman natin lubos na pinapahalagahan?
Malaking insulto na ang mga kadalasang nahahalal na mamuno sa ating bansa ay silang kapos sa karunungan. Kung kaya naman hindi natin tuluyang makamit ang pag-unlad bagama’t nababatid natin ang pamamaraan upang ito ay maabot at maisakatuparan para sa lahat.
Ang pagiging pinuno ng bayan ay may kaakibat na tungkuling nangagailangan ng kaukulang antas ng karunungan. Nararapat na ang mga mga tagapamahala ay may alam sa pamamahala at ang mga mambabatas ay may alam sa batas at sa paggawa nito. Hindi kailanman magiging sapat ang pagkakaroon lamang ng kakahayang makapagbasa at sumulat para makapamuno maski ng isang maliit na komunidad. Hindi dapat sabihing matututunan din ang mga bagay na iyon kapag ang kandidato ay naluklok na sapagkat hindi lugar ng pagsasanay ang gobyerno. Lalong hindi dapat iasa sa mga tagapayo ang tungkuling gagampanan dahil ito ang kalimitang pinagmumulan ng anomalya at kontrobersiya.
Madalas nating sigaw na ang edukasyon ay karapatan ng mamamayan. Sa ating bawat pagsigaw, nawa’y umalingawngaw na karapatan din nating pamunuan ng mga taong kumakatawan sa kahalagahan ng edukasyon na siyang tunay na magsisilbi at magsasalba sa ating bayan.
--
Photo from http://www.flickr.com/photos/27652182@N08/2687957034/
2 comments:
it's very instructive sir! wish i could write the same works as yours..=) or maybe better than your works sir! hehe.. keep up the good work sir. can't wait to read your next stroke of genius.=)
Thanks for reading and for your comment Ronelie. You certainly can write better than I do. It is just a matter of finding and building your way of expression. But you can never achieve this until you try really writing. Good luck. :-)
Post a Comment