Monday, April 2, 2012

Pagtatapos

Ang mga guro at administrador ng eskwelahan ay tumatayong pangalawang magulang ng mga estudyante. Kinikilala ito ng batas na nagbigay ng karapatan sa mga guro at administrador na magabayan ang kanilang mga estudyante. Kaakibat din nito ang responsibilidad bilang kahaliling magulang o "substitute parent." Subalit ang tungkulin pong ito ay epektibo lamang sa loob ng eskwelahan o sa anumang gawain na may kinalaman sa pag-aaral dito. Sa labas ng eskwelahan o pag-i-iskwela ay ang mga magulang na po ang tanging may responsibilidad sa anumang gawin ng kanilang mga anak.  
Kamakailan ay naging laman ng balita ang ginawang pagbabawal ng isang paaralan sa Cebu City na makadalo sa graduation ang ilang mga estudyante sa kadahilanang nagpakita ang mga ito ng larawan sa social network site na Facebook nang nakasuot diumano ng bikini, na itinuturing na paglabag sa patakaran ng paaralan. Ano po bang masama sa pagsusuot ng bikini? Ginawa po ba ito sa malaswang paraan o pakay? May pangalan po ba o tatak ng eskwelahan sa bikining sinuot? Ito po ba ay isinuot habang nasa klase o gawaing pampaaralan?
Nag-bikini lang naman sila. Nung linuwal sila sa mundo ay wala ngang suot na damit ang mga batang yan. Wala pong nakakahiya doon. Kayo pong namamahala ng eskwelahan ang nagbigay ng kahihiyan sa mga bata sa pagpapalaki ng isyung ito. At kung mayroon mang masamang naidulot ang mga larawang ito, hayaan ninyong ang kanilang mga magulang na mismo ang magbigay ng kaukulang parusa sa kanila.
Sa aking palagay ay pagmamalabis sa kanilang katungkulan ang ginawa ng mga namumuno ng Saint Theresa's College. Hindi katanggap-tanggap ang naging pasya ng paaralan, lalo pa't sinaway nito ang utos ng hukuman na padaluhin ang mga estudyante sa graduation. Nalabag ang karapatan ng mga estudyante na maging bahagi ng graduation na kanila namang nakamit dahil sa pagtitiyagang mag-aral. Ito po ay hindi pribileheyo na maaring bawiin ng paraalan sapagkat ang kapalit nito ay ang pagbabayad ng taon-taong tuition sa pag-aaral. 
Mahalaga sa buhay ng estudyante ang graduation. Ngunit hindi sa dahilang ito ay para sa kanila. Ayon sa aking propesor sa School of Law, ang graduation ay handog ng mga estudyante sa mga taong naging susi sa tagumpay nila sa pag-aaral. Ito ay ang mga magulang, kapatid, kamag-anak, kaibigan, maging mga guro na nag-alay ng yaman, pawis, at mga pagsasakripisyo para lamang makatapos sa pag-aaral ang isang estuyante. Ang graduation ay simbolo ng natatanging pagkilala ng mga estudyante sa kanila.
Nararapat bang ipagkait ito sa mga estudyante nang dahil lamang sa isang simpleng paglabag sa patakaran ng paaralan kung paglabag man itong maituturing? OA nyo mga teh!  
 -- 
*photo from http://lake.k12.fl.us/erh/lib/erh/Images/graduation1.jpg

Search This Blog